-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Nahaharap ngayon sa sentensyang life imprisonment o habang buhay na pagkabilanggo ang limang akusado na nagkarga ng higit sa P500 million na halaga ng shabu na naintercept ng mga otoridad sa isang checkpoint sa Gandara, Samar noong nakaraang Oktubre.

Ito ay matapos ibaba ang hatol ni RTC Branch 41 Gandara Samar Acting presiding Judge Esteban Dela Peña, kung saan maliban lang sa habang buhay na pagkakabilanggo ay pinagmumulta din ang limang drug courier na sina Cesar Uy, Steven Perez, Elbert Abella, Leonardo Reyes at Jeralou Labore ng limang milyong piso.

Ayon kay Police Captain Joselito Tabada, hepe ng Gandara Municipal Police Station, matapos ang halos tatlong buwan na hearing napatunayan sa korte na guilty beyond reasonable doubt ang mga akusado.

Maaalala na aabot sa 88.835 kilo ng shabu ang nasa loob ng dalawang sasakyan na ginamit ng limang nahuli.

Bibigyan sana sila ng tig PHP50,000 ng kanilang “boss” kung tagumpay nila itong nadala sa Cebu City pero naharang sila ng mga otoridad.