-- Advertisements --

Hinatulan ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 24 ang 5 akusado sa pagdukot at pagpatay sa isang babaeng Korean national, 11 taon ang nakakalipas, ayon sa Department of Justice (DOJ).

Base sa 21 pahinang desisyon ng korte na inilabas noong Pebrero 18, napatunayang guilty beyond reasonable doubt ng hukom ang mga akusadong sina Ronel Mongado, Rowel Mongado, Alex Buenaobra, Jimmy Manlapaz at Sergio Natad.

Minandato din ng korte na bayaran ng mga convicted individuals ang mga tagapagmana ng Korean national ng P100,000 bawat isa para sa moral damages, civil indemnity at exemplary damages.

Una rito, ayon sa DOJ, nag-ugat ang kaso noong Marso a-3 ng taong 2014, nang dukutin ang Korean national na si Ji Won Lee ng mga akusado kapalit ng ransom money mula sa pamilya ng biktima.

Ngunit sa kabila ng pagbibigay ng kabuuang P17,000 sa mga salarin, pinaslang pa rin ng mga ito si Lee.

Samantala, ang kasabwat naman na si Jullie-Ann Trabaco na nagsilbing accessory sa krimen, hinatulan itong guilty at pinarusahan ng 5 hanggang 8 taong pagkakakulong.

Pinagbabayad din ito ng P12,500 sa bawat naulila ng biktima.