BACOLOD CITY – Patay ang isang limang taong gulang na lalaki matapos madamay sa pagkasunog ng kanilang bahay sa Lungsod ng Bacolod kaninang madaling-araw.
Dakong alas-5:00 nang sumiklab ang sunog sa Purok Sigay, Barangay 2 at nagkataong natutulog ang biktimang si Rayniel Macapal sa second floor ng bahay ng nagngangalang Belinda Cuadra na siyang pinagmulan ng apoy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Punong Barangay Imelda Banguanga, ginising aniya ng kanyang mga pinsan ang biktima at dumaan sila sa bintana upang makaligtas ngunit dahil sa kapal ng usok, nawalan ito ng malay at naiwan.
Dahil malaki na ang apoy, hindi na bumalik sa kuwarto ang kanyang mga pinsan kaya namatay ang bata.
Ayon sa barangay kapitan, ang biktima ay iniiwan ng kanyang ina sa kanyang pinsan dahil may iba na itong kinakasama.
Sa kabuuan, apat na bahay ang apektado ng nabanggit na sunog kung saan isa ang totaally-burned at isa ang partially-burned.
Sa ngayon, tinutukoy pa ng Bureau of Fire Protection kung ano ang pinagmulan ng apoy.