-- Advertisements --

DAVAO CITY – Patay ang isang limang taong gulang na batang babae matapos na malunod sa Brgy. Cabaywa, Asuncion, Davao del Norte. Base sa impormasyong inilabas ng Davao del Norte PDRRMC, natala ang pinaka-unang casualty ng pagbaha kahapon.

Kinilala ang biktima na si TRILMARIE ALVAREZ LIBANTE,limang taong gulang at residente ng Purok 2, Brgy. Cabaywa, Asuncion, Davao del Norte.

Sinasabing nalunod umano ang biktima sa isang malaking imburnal malapit sa kanilang bahay na naging rason ng kanyang kamatayan.

Sa kabilang banda, aabot sa mahigit 12,000 pamilya sa probinsya ang apektado ng pagbaha sa anim na mga Local Government Units ng probinsya gaya ng Asuncion, Kapalong, New Corella, Sto. Tomas, Carmen at Tagum City.

Base sa datos ng PDRRMC, aabot sa 37 na mga Barangay ang apektado sa pagbaha simula ng maranasan ang mga pag-ulan.

Base sa initial damage assesment ng provincial government, aabot sa P5 million ang halaga ng damyos sa Agrikultura kung saan kadalasan nito ay palayan.

Kung maalala, nakaranas ng malalakas na mga pag-ulan at landslide ang iilang lugar ng Davao Del Norte at Davao De Oro simula pa noong araw ng Martes, Enero 3, kung saan 26 pamilya ang inilikas matapos umapaw ang Saug River.

Patuloy pang mino-monitor ng Office of Civil Defense XI ang epekto ng LPA sa boung rehiyon.