Umabot na sa limang lugar sa pamahalaang lungsod ng Muntinlupa na itinuturing na nasa areas of concern matapos na madagdagan pa ng dalawang lugar ang isinailalim sa hard lockdown o extreme localized community quarantine.
Ayon kay city health office chief Dr. Juancho Bunyi, natuklasan na may clustering ng COVID-19 cases at mataas na COVID-19 attack rate ang mga lugar na nasa hard lockdown.
Ang dalawang lugar na naisama sa hard lockdown ay sa Purok 3, Molera Compound sa Barangay Sucat, at ang isa naman ay sa Purok 7, Beatriz Compound, De Mesa L & B Street sa Barangay Alabang na sasailalim sa dalawang linggong lockdown mula nitong nakalipas na Biyernes, August 13 na magtatagal hanggang Agosto 27.
Nauna ng inilagay sa hard lockdown ang Block 8, Hills View sa Mangga St., Lakeview Homes sa Barangay Putatan noong Agosto 12 at ang Chico St., Laguerta sa Barangay Tunasan noon namang Agosto 10.
Mamamahagi naman ang lokal na pamahalaan ng food packs sa mga apektadong residente bukod pa rito nakatakdang magsagawa rin ng mass testing at house to house vaccination sa mga lugar na naka-hard lockdown.