Isinuko na ng kampo ng self-proclaimed Son of God na wanted ngayon na si Pastor Apollo Quiboloy ang ilan sa mga armas na nasa ilalim ng kaniyang pangalan.
Ito ay matapos na isilbi ng mga tauhan ng Police Regional Office 11 at Area Police Command – Eastern Mindanao sa pangunguna nina acting Commander PMGen. Benjamin Silo Jr., at Regional Civil Security Unit chief, PCol. Apollo Ruben Togonon ang ipinag-utos na pagbawi sa lisensya sa pagmamay-ari ng baril ni Pastor Quiboloy at Ingrid Chavez Canada.
Ayon kay Philippine National Police Chief PGen. Rommel Francisco Marbil, limang armas ng naturang puganteng pastor ang isinuko ng kaniyang kampo sa Regional Mobile Security Unit 11 Sa Police Regional Office 11.
Kaugnay nito ay iniulat din ng Police Regional Office 11 na kabilang sa naturang mga armas na isinuko sa pulisya ay isang Colt Rifle, 2 Beret Pistol, at 3 Metrillo Pistons.
Kung maaalala, una nang napaulat na mayroong kabuuang 19 na mga armas si Quiboloy ngunit ayon sa mga operatiba ay sinabi ng kaniyang kampo na nabenta na ang 14 na iba pa sa kaniyang mga armas kung saan nagpakita pa ang mga ito ng mga dokumento bilang patunay nito.
Samantala, patuloy pa rin hinihingi ng Bombo Radyo Philippines ang komento ng PNP ukol dito kung posible bang nagkaroon ng paglabag sa ginawang pagbebenta ng mga armas ni Quiboloy sa kabila ng revocation order sa kaniya ng LTOPF.