Nadiskubre ng Estados Unidos na responsable sa paglabag sa mga karapatang pantao ang 5 army units ng Israeli Defense Forces.
Sa kabila nito kwalipikado pa rin ang lahat ng units ng Israeli forces sa pagtanggap ng military assistance mula sa Amerika.
Ayon kay US State Department deputy spokesperson Vedant Patel, nagsagawa ang Israel ng remediation sa mga kaso ng 4 na units nito bilang pagtalima sa batas ng US “Leahy Law” na pinagbabawalang magbigay ng military assistance sa security force units na nakagawa ng gross violations sa karapatang pantao at hindi napapanagot.
Sa kaso naman ng ikalimang unit, hindi pa matukoy ng US kung mayroong sapat na remediation at kasalukuyan pang tinatalakay ito sa pagitan nila ng Israel.
Tumanggi naman ang US State Department spokesman na magkomento sa partikular na paglabag na kinasasangkutan ng Israel army units o kung ano ang mga remediation steps na kanilang ginawa.
Aniya, ang mga kwestyonableng insidente ng paglabag sa karapatang pantao ng Israel army units ay nangyari umano sa labas ng Gaza bago pa man sumiklab ang giyera sa pagitan ng Israel at Hamas noong Oktubre ng nakalipas na taon.
Ang naturang gawain din ng Israeli military ay lumitaw kasundo ng umiigting pang pagbatikos dahil sa pagkamatay na ng 34,500 Palestino sa Gaza na karamihan ay mga kababaihan at mga bata.