-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Kakasuhan ng pulisya sa paglabag ng Expanded Anti-trafficking in Persons Act ang pinaghihinalaang “bugaw” na arestado sa inilunsad na entrapment operation sa Iligan City.

Bago ito, nailigtas ng pulisya ang limang babae na isinangkot ng suspek na si Mardy Amor Sumalinog sa online prostitution sa nabanggit na lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Iligan City Police Office spokesperson P/Maj. Jovanne Cabusas na nailitas nila ang biktima mismo sa loob ng lodging house sa Badelles Street, Iligan City.

Una rito, nagtago sa pangalang “Mawie Wilson” si Sumalinog na taga-Barangay Kiwalan upang makapambiktima ng mga babae sa pamamagitan ng Facebook.

Magugunitang matagal na panahon ding mino-monitor ang galaw ng suspek hanggang nakakita ng tamang pagkakataon na maaresto ito ng mga otoridad nitong linggo lamang.