Namatay ang limang baboy na una nang sumalang sa anti-ASF vaccination program ng Department of Agriculture.
Batay sa inilabas na impormasyon ng DA, natukoy ang mga naturang baboy na mayroon na dating mga respiratory illness bago pa sumalang sa bakunahan.
Hindi umano naiulat ang sakit ng mga ito bago nabakunahan, batay na rin sa isinagawang imbestigasyon ng ahensiya.
Sa kabila nito ay nananatiling positibo ang ahensiya sa epekto ng pagtuturok ng bakuna kontra ASF.
Ayon kay DA Assistant Secretary Dante Palabrica, hindi ito magiging balakid sa vaccination program ng ahensiya. Aniya, hindi dapat dedepende sa limang namatay na baboy ang desisyon ukol sa vaccination program.
Bagaman ikokonsidera ito ng DA, sinabi ni Palabrica na marami pang salik ang titingnan ng ahensiya para matukoy kung epektibo ang pagbabakuna.
Bago nito ay kinumpirma ng DA ang pagpondo sa procurement o pagbili ng hanggang 600,000 dose ng bakuna kontra ASF.