Winelcome ng pamunuan ng Philippine Air Force (PAF) ang pagdating ng lima pang bagong S-70i Blackhawk utlity helicopters mula sa Poland.
Ito ang ikalawang batch ng delivery ng mga nasabing bagong helicopters.
Ang Antonov transport plane ang nag-deliver ng limang Blackhawk helicopters mula sa bansang Poland patungo sa Pilipinas na lumapag sa Clark Air Base, Pampanga, kahapon June 7, 2021.
Ayon kay PAF spokesperson, Lt. Col. Maynard Mariano, ang unang batch na binubuo ng anim na Blackhawk helicopters ay nai-deliver noong 2020.
Sa pagdating ng lima sa ngayon mayroon ng 11 Blackhawk helicopters ang PAF.
Sinabi ni Mariano na bago magtapos ang taong 2021, idi-deliver na rin ang ikatlong batch ng limang Blackhawk helicopters.
Ang Blackhawk ay pinakamahusay na multi-mission utility helicopters na maaaring gamitin sa iba’t ibang mission ng Philippine Air Force (PAF) gaya sa combat operations, humanitarian missions, at troops deployment.
Dagdag pa ni Mariano, malaking boost din ito sa heli-lift capability ng AFP na makakatulong sa gobyerno sa pagbibigay serbisyo sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ipinagmamalaki din ng PAF na nitong nakalipas na mga buwan, ginamit ang mga Blackhawks sa pag-transport ng mga COVID-19 vaccine at PPEs sa mga remote areas sa Batanes, Bicol at iba pang lugar sa bansa.
Siniguro ng pamunuan ng PAF na makakaasa ang publiko na magiging better partner ang hukbong panghimpapawid lalo na ngayon na nasa pandemic pa rin ang bansa.
Una rito, kulang ang mga choppers ng PAF dahil hindi na pinapagamit pa ang mga lumang choppers dahil na rin sa sunud-sunod na pagbagsak nito.