KALIBO, Aklan – Nakapagtala ng limang bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang lalawigan ng Aklan.
Ayon kay Dr. Cornelio Cuatchon Jr., ng Provincial Health Office (PHO)-Aklan na ang lima ay pawang locally stranded individuals (LSIs) na nag-avail ng Balik-Probinsiya Program ng pamahalaan.
Ito ay kinabibilangan ng dalawang babae mula sa bayan ng Banga na may edad 46 at 34 na nagmula sa Valenzuela city, isa ang residente ng Ibajay, Aklan na may edad 28 anyos na nagmula sa Maynila gayundin ang 40-anyos na taga Numancia, na nagmula sa Malabon City at ang 26 anyos na taga bayan ng Kalibo na may travel history sa Germany at Maynila.
Dahil dito, umaabot na sa 22 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Aklan.
Dagdag pa na ang mga ito ay walang sintomas at kasalukuyang naka-facility quarantine sa Aklan Training Center sa Barangay Old Buswang, Kalibo para sa mahigpit na monitoring.
Sinabi pa ni Dr. Cuatchon na ang apat ay isinailalim sa rapid anti body test sa Maynila, ngunit pagdating sa Aklan matapos ang profiling at assessment ay kinuhaan sila ng swab specimen, kung saan nagpositibo ang resulta nito.
Giit pa nito na ang Aklan ay wala pang naitalang local transmission ng coronavirus.