Naharang ng Bureau of Immigration ang 5 banyagang may kriminal na kaso sa ibang bansa matapos magtangka ang mga ito na pumasok sa Pilipinas.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang mga ito na sina British national Vicent John Cherer, at ang mga Amerikanong sina Alexander Balay, Wallace Lynn Wendel, Kevin Edwin Daughtrey, at Billy Ray Robertson Jr.
Ani Tansingco, tinanggihan ang mga ito pumasok dahil maaaring magdulot ng malaking panganib sa mga kababaihan at mga bata ang presesnya ng mga ito sa bansa. Sa ngayon, nasa blacklist na umano ang mga ito kaya naman bawal na itong pumasok sa Pilipinas.
Samantala, sinabi ng BI na si Balay ay nahuli noong Mayo 21 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 matapos ang kanyang pagdating mula sa Japan. Nahatulan siya ng korte sa Alabama dahil sa possession at intent to distribute ng child pornography.
Si Cherer ay nahuli naman sa NAIA Terminal 1 matapos dumating mula sa China noong Mayo 22. May hatol din itong child sexual abuse sa United Kingdom.
Noong Mayo 2, si Wendel ay nahuli matapos ang kanyang pagdating sa NAIA mula sa South Korea, habang si Daughtrey ay nahuli sa Mactan-Cebu International Airport matapos ang kanyang pagdating mula sa Taiwan.
Si Wendel ayon sa BI ay may hatol mula sa isang korte sa Arizona na sexual assault pati na rin ng homicide at burglary, habang nahatulan naman si Daughtrey ng sexual offense laban sa isang menor de edad ng isang korte sa Florida.
Si Robertson, ayon din sa BI, ay nahatulan ng isang korte sa Nevada noong 1989 dahil naman sa sexual assault sa isang 12-taong gulang na babae.