CENTRAL MINDANAO – Maari ng mag-alaga muli at magparami ng mga baboy ang mga hog raisers at mga farmers sa lungsod ng Kidapawan.
Ito ay makaraang ideklara ng DA-12 Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory (DA12 RADDL) bilang mga African Swine Fever Free Areas ang limang mga barangays sa lungsod ng Kidapawan na una ng may ASF nitong nakalipas na taon.
Ito ay kinabibilangan ng Barangay Linangkob, Mua-an, Sikitan, Gayola, at Paco na matinding naapektuhan ng ASF at naging sanhi ng pagkalugi ng mga hog raisers.
Ginawa ng naturang ahensiya ang deklarasyon ngayong linggong ito matapos na lumabas ang negative results o Negative Viral Antigen sa lahat ng mga prosesong nakapaloob sa Exit from Quarantine Protocol na ginawa sa mga nabanggit na barangay.
Ayon kay city veterinarian Dr. Eugene Gornez, una ng nagsumite ng mga kinakailangang sample mula sa mga apektadong piggery ang mga hog raisers ng nabanggit na mga barangay sa tulong ng kanilang tanggapan at ng Provincial Veterinarian’s Office sa Amas, Kidapawan City.
Sinabi ni Dr. Gornez na batay sa DA Administrative Order No. 7 o ang Implementing Guidelines of Bantay ASF sa Barangay Program ay kailangang obserbahan ang mga piling alagang baboy at kunan ng samples tulad ng swabbing ang mga ito para sa pagsusuri at matiyak kung meron pang ASF virus partikular sa apektadong barangay.
Sa pangunguna ni Dr. Gornez ay isinailalim sa mula tatlo-hanggang apat na buwan na pagsusuri ang mga baboy kasabay ang palagiang paglilinis at disinfection ng mga piggery, ganundin ang surveillance at inspection sa loob ng 500-meter radius ng apektadong lugar.
Matatandaang una ng namahagi ng sentinel pigs ang DA-12 sa mga apektadong hog raisers upang mapag-aralan at malaman kung meron pang ASF.
Kaugnay nito, ay nilagdaan ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista ang isang certification para sa mga barangay ng Linangkob, Mua-an, Sikitan, Gayola at Paco noong Dec. 1, 2021.
Tiniyak din ng alkalde na tuloy-tuloy ang suporta ng City Government of Kidapawan sa mga hog raisers o nag-aalaga ng baboy kabilang na ang pagbibigay ng libreng high quality feeds, vitamins, at disinfectant.
Samantala, maituturing na ring ASF-Free Area ang buonglLungsod ng Kidapawan, ayon pa sa City Veterinarian Office habang patuloy pa rin ang panawagan ng tanggapan na magtulong-tulong ang bawat isa upang hindi na magkaroon muli ng naturang sakit ang mga alagang baboy.
Dahil dito ay maaari ng mag-alagang muli at magparami ng alagang baboy ang mga hog raisers at iba pang farmers sa lungsod.