-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Limang mga barangay sa lungsod ng Kidapawan ang nakapagtala ng mataas na vaccination rate kontra Covid-19.

Ayon kay Atty Jose Paolo M. Evangelista, Chief ng Kidapawan City COVID-19 Nerve Center, ang mga barangay ng Magsaysay, Manongol, Ilomavis, Indangan, at Población ang nakapagtala ng malalaking bilang ng mga residenteng nabakunahan.

Batay sa report na inilabas ng Nerve Center, ang percentage ng mga nagpabakuna sa nabanggit na limang mga barangay ay ang mga sumusunod: Magsaysay 82%, Manongol 79%, Ilomavis at Indangan na may kapwa 77% at Poblacion 72%.

Ang mga nabakunahan ay kabilang sa ‘70% ng target eligible population’ na pasok naman sa vaccination roll out ng Department of Health o DOH.

Matatandaang inilagay ng ahensya sa pitumpung porsyento ng local population ang unang mabibigyan ng bakuna para makamit ang herd immunity laban sa COVID-19.

Puspusan na rin ang ginagawang pagbabakuna ng City Government sa iba pang barangay para maabot ang inaasam na 70% ng local population ng lungsod, ayon kay Atty Evangelista.

Sa pulong na ipinatawag ng City Government,hinimok ng COVID-19 Nerve Center ang mga Barangay Midwives na pakiusapan at ipaunawa sa mga unvaccinated na residente ang kahalagahan Ng bakuna at samantalahin na ang libreng pagbabakuna ng pamahalaan.

Sinagot na ng City Government ng Kidapawan ang pangangailangan sa transportasyon gaya ng gasoline allocation ng mga sasakyang magdadala sa mga vacinees papunta sa mga vaccination hubs at pauwi sa kanilang mga lugar.

Mula naman sa 157,000 na populasyon ng Kidapawan City, 70% nito o katumbas sa 110,000 ang target n makakumpleto ng bakuna sa huling bahagi ng 2021 o sa first quarter ng 2022.

Sa kasalukuyan ay nasa 44,379 na mga taga Kidapawan City ang naka kumpleto na ng dalawang dose ng bakuna (kasali na ang single dose ng Johnson and Johnson vaccine), ayon na rin sa datos na inilabas ng City Health Office.

71,275 naman ng mga eligible priority groups ang nabigyan na ng first dose ng bakuna kontra Covid19 sa Vaccination Roll Out ng City Government.