KORONADAL CITY – Isinailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang mga lugar sa limang barangay sa lungsod ng Koronadal dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) dulot ng sustained community transmission.
Sa inilabas na Executive Order (EO) No. 37 ni Koronadal City Mayor Eliordo Ogena, kabilang sa mga lugar na isinailalim sa ECQ ay ang Purok Mainuswagon sa Barangay Carpenter Hill; Purok Ilang-Ilang sa Barangay New Pangasinan; Marville Homes sa Barangay Sto. Nino; Purok Kaunlaran sa Barangay Zone 1 at Molinos Street, Purok Tony Ko; Blocks 1 & 7 ng Purok Sulatre; Odi-Pantua Street at Blocks 1 & 3 ng St. Gabriel Subdvision sa Barangay Zone III.
Tatagal ang implementasyon ng ECQ sa nabanggit na mga lugar hanggang Setyembre 9 ngayong taon.
Maliban dito, halos punuan na rin ang mga isolation facilities sa lungsod habang fully occupied naman ang mga hospital bed sa mga pagamutan.
Samantala, naglabas naman ng panibagong EO ang alkalde kung saan ipapatupad ang No movement Sunday sa darating nga Setyembre 5 at 12 nitong taon.
Kasabay nito, nananawagan naman ang alkalde sa lahat ng Koronadalenos na manatili sa bahay kung walang importanteng gagawin at iwasan ang pagdalo sa mga mass gathering.