Bigo ang limang armadong barko na hinihinalang pagmamay-ari ng Iran na dakpin ang isang British oil tanker sa Strait of Hormuz matapos nitong itaboy papalayo ng Royal Navy vessel.
Tinangka umano ng limang Iranian boats na ito na harangin ang nasabing British oil tanker.
Nabatid ng US officials na noong Hulyo 10 nang ipag-utos ng Iran sa British Heritage oil tanker na baguhin ang kursong dadaanan nito at tumigil sa Iranian territorial waters.
Ngunit hindi natuloy ang balak na ito ng Iran dahil biglang dumating ang British-owned HMS Montrose at kaagad na tinutukan ng mga baril ang mga barko ng Iran bilang babala.
Dagdag pa ng US officials, na nagsisilbing escort ng British oil tanker ang HMS Montrose.
Itinuturing din naman ng mga ito na harassment ang ginawa ng mga barko ng Iran.
Nangyari ang insidente na ito ilang oras lamang matapos magbigay babala ni Iranian President Hassan Rouhani na may matinding kahihinatnan ang Britanya sa kanilang ginawang paghuli sa barko na pagmamay-ari ng Iran noong nakaraang linggo.