-- Advertisements --

VIGAN CITY – Limang batch ng volunteer-staff ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Regional Field Office 1 ang ipapadala sa Batangas sa mga susunod na linggo upang tumulong sa rescue at response strategy sa mga naapektuhan ng phreatic eruption ng bulkang Taal.

Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Vigan ni DSWD-Region 1 Information Officer Darwin Chan.

Ayon kay Chan, sa ngayon, mayroon na umanong inisyal na 10 DSWD volunteer-staff mula Region 1 na nasa Batangas na at sumasailalim na sa orientation para sa kanilang pagtulong sa logistics, paggawa ng daily report at pagmonitor sa weather system sa nasabing lugar.

Maliban pa rito, tutulong din ang mga ipinadala at ipapadalang DSWD volunteer-staff sa camp coordination at camp management upang matiyak na ang mga pansamantalang tinutuluyan ng mga evacuees ay naaayon sa standard evacuation centers.

Nauna nang nagpadala ng tatlong libong family food packs ang DSWD-Region 1 para sa mga evacuees sa Bauan at San Luis, Batangas noong January 15 at January 16 kung saan ang bawat food pack ay naglalaman ng 6 na kilong bigas, apat na lata ng sardinas, apat na lata ng corned beef at anim na sachet ng 3-in-1 na kape.