-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Isa ang bayan ng Carmen, North Cotabato ang tumanggap ng parangal sa pinaigting na kampanya kontra pinagbabawal na droga.

Via-Zoom tinanggap ni Carmen Mayor Moises Arendain mula sa Department of Interior and Local Government (DILG-National) ang Drug Cleared Sustained Awardee at 2020 ADAC Special Awardee.

Maliban sa bayan ng Carmen kahintulad ng parangal rin ang tinanggap ni Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr., mga alkalde ng Magpet, M’lang; Makilala, North Cotabato at Kidapawan City.

Sinabi ni Mayor Arendain na kahit drug cleared na sila ay patuloy silang magsisikap sa kampanya laban sa iligal na droga.

Dagdag ni Mayor Guzman Jr. na maraming kabataan na ang nasira ang kinabukasan dahil sa droga at dapat lamang managot sa batas ang mga sangkot nito.

Sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-12) nasa 436 sa 543 barangays sa North Cotabato ang idineklarang “drug cleared”.

Kinompirma rin ni PDEA-12 Director Naravy Duquiatan na mahigit sa P10 million na halaga ng shabu at marijuana ang nasamsam mula sa iba’t ibang law enforcement operations sa 17 bayan at isang lungsod ng probinsya.

Sa ngayon ay umaabot sa 8,000 drug personalities ang sumuko sa mga otoridad at nag-avail ng livelihood assistance mula sa gobyerno para sa kanilang pagbabagong buhay.