-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nananatiling high-risk sa African Swine Fever (ASF) ang mga bayan ng La Trinidad, Tuba, Itogon, Kabayan at Bokod sa lalawigan ng Benguet.

Dahil dito, ipinayo ng Benguet Provincial Veterinary Office ang pagsunod ng mga mamamayan lalo na yaong mga nag-aalaga ng baboy sa mga patakaran para maiwasan ang lalong pagkalat ng ASF sa iba pang bayan ng Benguet.

Ayon kay Povincial Veterinarian Dr. Miriam Tiongan, problema nila ang mga nagtitinda ng mga buhay na baboy sa iba pang bayan.

Ipinaliwanag niyang ito ay dahil walang garantiya na malinis at hindi infected ng ASF ang mga ibinebentang buhay na baboy lalo na’t hindi dumaan ang mga ito sa tamang proseso at walang kaukulang dokumento ang pagbenta.

Umapela ito sa mga mamamayan para idaan nila sa mga animal quarantine checkpoints ng Benguet ang mga bibilhin nilang baboy para matiyak na ligtas ang mga upang hindi na lalong kumalat ang ASF.