-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Irerekomenda ng Provincial Veterinary Office ang pagdeklara ng state of calamity sa lalawigan ng Ifugao matapos maitala ang positibong kaso ng African swine fever (ASF) sa limang bayan doon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ifugao Provincial Veterinarian Dr. James Gopeng, sinabi niyang maliban sa mga bayan ng Banaue, Kiangan, Lagawe, Asipulo at Hingyon ay nakitaan din ng sintomas ng ASF virus ang mga baboy sa ibang bayan ng lalawigan.

Aniya, higit 160 na ang bilang ng mga baboy na isinailalim sa culling sa limang bayan ng Ifugao kung pinakamarami o aabot sa 74 na baboy ang nakatay sa Kiangan.

Inaasahan din nilang may mga baboy pang isasailalim sa culling sa mga apektadong bayan sa mga susunod na araw.

Posible aniyang rason ng pagpasok ng ASF virus sa Ifugao ang mga hindi nabantayang entry points ng lalawigan mula sa mga kalapit na lalawigan kung saan may mga positibong kaso ng ASF maliban pa sa mga iniuuwing natirang karne sa mga okasyon na dinaluhan ng mga residente.

Ipinasigurado naman niyang mabibigyan ng sapat na tulong ang mga apektadong hog raisers sa Ifugao.

Sa ngayon, ipinagbabawal na ang pagpasok ng mga live pigs, fresh pork at frozen pork sa Ifugao.