KORONADAL CITY – Isinailalim na sa state of calamity ang limang mga bayan sa North Cotabato dahil sa nararanasang matinding init dala ng El Niño phenomenon.
Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council Warning at Action officer Engineer Arnulfo Villaruz, ang nabanggit na mga bayan ang kinabibilangan ng Alamada, Aleosan,Mlang, Tulunan at Pikit sa probinsya ng Cotabato.
Sa monitoring umano ng Pagasa, napabilang ang Region 12 sa low amount of rainfall at halos lahat aniya ng munisipyo ay apektado na ng matinding init.
Marami na ring mga magsasaka ang lubhang naapektuhan ang kani-kanilang pananim.
Kaugnay nito, ipinasiguro naman ni Villaruz na nagsimula na rin silang mamigay ng ayuda sa mga bayan na labis na naapektuhan ng tagtuyot.