Aabot sa limang commanders ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nanguna sa sa pagsalakay kaninang alas-6:00 ng umaga sa outpost ng Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs) sa Pigkawayan, Cotabato.
Kinilala ni 6th Infantry Division Spokesperson Capt. Arvin Encinas ang naturang BIFF commanders na sina Abu Nawas, OB 10, Abu Saide, Sala at Agila.
Sinabi ni Encinas na simula nang salakayin ng rebeldeng BIFF ang nasabing outpost ay nauwi ito sa engkuwentro nila sa pagitan ng mga militar.
Aniya, on-going ang hot pursuit operations ng mga sundalo na pinangungunahan ng 34th Infantry Battalion subalit nahihirapan dahil may hawak na sibilyan ang BIFF.
Sinabi ni Encinas na tinatayang nasa 12 mga estudyante ang hawak ng BIFF pero hindi pa ito validated report.
May blocking position na ring ipinatupad ang militar sa mga posibleng route of withdrawals ng hindi pa batid na bilang ng rebeldeng grupo.
Paliwanag ni Encinas, ang outpost na sinalakay ng BIFF ay malapit sa eskuwelahan kung kaya nakuha ng rebeldeng grupo ang umano’y nasa 12 sibilyan para gawing human shield.
Paniniwala ng militar na ang motibo ng grupo sa pagsalakay sa BPATs outpost ay para itayo ang kanilang paniniwala na independent islamic state sa Mindanao.
“Wala naman silang motibo kung hindi yung iestablish nila yung independent islamicstate dito sa mindanao e, yun naman talaga ang pinaglalaban nila, kung sa ideology wala naman talaga silang pinaglalaban kundi yung magkaroon ng independent state, islamic state dito sa Mindanao,” ani Encinas.
Giit din ng opisyal na nagpapakitang gilas ang rebeldeng BIFF kung kaya naglunsad ang mga ito ng pag-atake.