CENTRAL MINDANAO-Nais nang magbagong buhay at pagod na sa pakikibaka kayat naisipan na lamang ng limang mga myembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na sumuko sa militar sa lalawigan ng Maguindanao.
Ang limang BIFF na sumuko ay pinangunahan ni Kumander Cobra ng BIFF Karialan faction.
Sumuko ang mga rebelde sa Headquarters ng 1st Mechanized Infantry Maasahan Brigade sa pamumuno ni Colonel Pedro Balisi Jr. na nakabase sa Barangay Kamasi Ampatuan Maguindanao sa tulong narin ng LGU Ampatuan ni Mayor Bai Leah Sangki.
Malugod namang tinanggap ni Col Balisi ang limang BIFF na gusto nang mamuhay ng mapayapa.
Nagpaalala si Col Balisi sa mga rebelde na sana ay kaisa na sila ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kapayapaan sa kanilang lugar.
Dala ng limang BIFF sa kanilang pagsuko ang mga matataas na uri ng armas, mga bala, magazine at mga pampasabog.
Inihayag pa ni Col.Balisi na malaki ang papel ng Provincial Government ng Maguindanao sa pangunguna ni Governor Bai Mariam Sangki Mangudadatu dahil sa programang Agila Haven na binibigyan ng ayuda at livelihood assistance ang mga sumukong BIFF para sa kanilang pagbabagong buhay.