CENTRAL MINDANAO – Gusto na umanong mamuhay ng mapayapa at magbagong buhay ang dahilan kaya sumuko sa militar ang limang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Maguindanao.
Nakilala ang mga rebelde na sina Saed Sadam Malsek, Mahir Mumna Datumanong, Said Abdullahshid Zuarto, Moktar Saed Pangalao, at Usman Abu Ali, pawang mga residente ng bayan ng Datu Anggal Midtimbang.
Isinuko ng limang BIFF sa tropa ng 90th Infantry Battalion (IB), Philippine Army ang isang 5.56mm M16A1 na may 40mm M203 grenade launcher; isang 5.56mm M16 rifle; isang M79 grenade launcher; isang caliber .50 sniper Barret; isang 7.62mm M14 rifle; mga bala; at mga magazine.
Napilitang sumuko ang mga rebelde dahil sa nagpapatuloy na focused military operation ng Joint Task Force Central sa Maguindanao.
Pormal na tinanggap ni Col. Joel Mamon, deputy brigade commander ng 601st Infantry Brigade, sa headquarters ng 90th IB sa Barangay Midtimbang, Datu Anggal Midtimbang.
“The focused and intensified operations of the Joint Task Force Central targeting the terror groups in Maguindanao resulted in a pressure build-up which led to the surrender of the BIFF militants,” ani JTFC Commander at 6th ID chief, Major General Diosdado Carreon.
Pinuri naman ni Western Mindanao Command chief, Lt. Gen. Cirilito Sobejana ang Joint Task Force Central na buong tapang na hinaharap ang banta ng COVID-19 pati na rin ang terorismo.
“We plead for continued prayers for the safety and protection of our soldiers and all the frontliners amid all the threats that we currently endure,” dagdag pa ni Sobejana.
Nagpasalamat naman si 601st Brigade commander Colonel Jose Narciso sa mga lokal na opisyal sa bayan ng Datu Anggal Midtimbang na tumulong sa pagsuko ng mga rebelde.