-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Sumiklab na naman ang engkwentro ng militar at mga armadong grupo sa lalawigan ng Maguindanao.

Ayon sa ulat ng 601st Brigade na habang nagpapatrolya ang tropa ng 33rd Infantry Battalion at 12th Special Forces Company ng 5th Special Forces Battalion Philippine Army sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao at hangganan sa probinsya ng Cotabato ay nakasagupa nila ang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-ISIS inspired group).

Tumagal ng mahigit isang oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig gamit ang mga matataas na uri ng armas.

Binomba rin ng mga tauhan ng Artillery Field Battalion ng Philippine Army gamit ang 105th mm howitzers cannon ang posisyon ng mga rebelde.

Umatras ang mga terorista papasok ng Liguasan Delta at inabandona ang kanilang kampo.

Wala namang nasugatan sa mga sundalo habang lima ang napaulat na nasawi sa BIFF at marami ang nasugatan.

Kabilang sa mga nasawi si Akhmad Abdulmalik na kapatid ni Shiekh Esmail Abdulmalik alyas Kumander Abu Toraife, Ansari Esmail na anak ni Abo Toraifie at si Johari Abdulatip.

Narekober din ng militar ang mga matataas na uri ng armas, mga bomba, mga bala at mga sangkap sa paggawa ng improvised explosive device (IEDs).

Sa ngayon ay pinaigting pa ng Joint Task Force Central ang pagtugis sa BIFF sa Maguindanao.