Kinumpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte na nasa limang miyembro ng gabinete ang nakatakda nitong sibakin o palitan sa pwesto sa mga susunod na araw.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag kagabi sa ambush interview sa Malacañang matapos ang pagpapanumpa kay Sen. Bong Go.
Sinabi ni Pangulong Duterte, ang isyu lang naman ay korupsyon kaya umano sila aalisin o papalitan.
Ayon kay Pangulong Duterte, kung wala namang ginagawang katiwalian ang kanyang mga opisyal, wala silang dapat alalahanin at magtrabaho lang.
Una ng inihayag ni Pangulong Duterte nakatakda nitong tanggapin ang pagbibitiw ni Agriculture Sec. Manny Piñol at ililipat nito sa Mindanao Development Authority (MinDA).
Nilinaw naman ni Pangulong Duterte na hindi raw korup si Piñol kundi madaldal lang.
“Sa Cabinet members lima. Lima ka positions na gusto kong mabakante. Pero bakantehin mo ‘yan, wala mang mag-alis, magpatay ako ng apat. Magpatay pa ako ng ibang…,” ani Pangulong Duterte. “Oo, walang ano. Ang issue lang naman diyan is corruption. Kung hindi ka corrupt, you can just work. So that’s the definition of your work.”