Ipinapalagay nang patay ang limang nawawalang crew members ng isang helicopter ng Canadian navy na bumagsak sa isang isla sa Greece.
Sa pahayag ng Canadian defense ministry, tinapos na nila ang search and rescue operations at maglulunsad na lamang sila ng recovery efforts para sa anim na crew ng Cyclone Sikorsky CH-148 helicopter na nawala noong Miyerkules.
“Today, with the call to end the search and rescue mission, I join all Canadians in mourning the loss of six Canadian armed forces members,” saad ni prime minister Justin Trudeau sa isang pahayag.
Sa kasalukuyan, tanging ang katawan lamang ng isa sa mga crew member na si Sub-Lieutenant Abbigail Cowbrough ang narekober at natukoy.
“The missing five members who were aboard the aircraft are now officially considered missing and presumed deceased,” pahayag ng defense ministry.
“Additional remains have been discovered during the search, but cannot be identified at this time.”
Ang nasabing helicopter ay deployed on board sa Halifax-class frigate HMCS Fredericton at kalahok sa training exercise ng NATO nang mangyari ang aksidente.
Nawalan umano ng contact ang barko sa aircrew at nakakita na lamang umano ng pagsiklab sa tubig makalipas ang ilang minuto.
Sinabi ni Canadian defense minister Harjit Sajjan, narekober na rin daw ang cockpit voice at flight data recorders ng helicopter at iuuwi sa Canada para masuri.
Sa kasalukuyan ay hindi pa tukoy kung ano ang sanhi ng aksidente. (The Guardian)