Patuloy na nagdadala ng pag-ulan ngayong araw ng Linggo ang dalawang low pressure area (LPA) na nasa loob ng Philippine area of responsibility (PAR).
Sa latest bulletin ng PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration), huling namataan ang isang LPA sa layong 80 kilometers sa kanluran ng Puerto Princesa City, Palawan.
Habang ang isa pang sama ng panahon ay nasa silangan ng Bicol Region na tinatayang 85 kilometers sa bahagi ng Albay.
Nananatili namang maliit ang tiyansa ng dalawang sama ng panahon na mabuo bilang bagyo sa susunod na 24 oras.
Gayunman, makakaranas ng katamtaman hanggang sa malakas na ulan ang Bicol Region, Eastern Visayas, Quezon, Aurora, Bulacan, Rizal, Mindoro Provinces, Marinduque, Romblon, Dinagat Islands, Calamian Islands, at Kalayaan Islands.
Mahina hanggang katamtaman naman na minsan ay lalakas na ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Metro Manila, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, and the rest of Central Luzon, CALABARZON (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon), MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan), Visayas, at Caraga.