BAGUIO CITY – Arestado ng mga otoridad ang limang katao sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operations sa Mountain Province sa nakaraang limang araw na nagresulta sa pagkakumpiska ng mga marijuana bricks na nagkakahalaga ng halos P4 milyon.
Nahuli kamalawa si Eliterio Celada Pazon, 25, residente ng Sta. Rita, Guiguinto, Bulacan na isang freelance video editor.
Arestado ito sa checkpoint sa Sitio Nacagang, Barangay Tambingan, Sabangan, Mountain Province at nakumpiska sa kanya ang 10 bricks ng marijuana na nagkakahalaga ng mahigit P1.1 million.
Nasabat din ng mga otoridad ang apat na marijuana bricks na nagkakahalaga ng mahigit P480,000 mula sa dalawang kabataan na nanggaling sa Barangay Commonwealth, Quezon City.
Nahuli ang dalawang kabataan sa interdiction sa Paleng, Barangay, Lagan, Sabangan, Mt. Province noong Agosto 15.
Sa kaparehong araw naaresto rin ang dalawa pang lokal na turista mula sa Marikina City na sina Jay R. Farala, 22, at Joshua Brylle Dela Paz, 23.
Nahuli ang mga ito habang nasa terminal sila ng bus sa Poblacion, Bontoc, Mountain Province at nakumpiska mula sa kanila ang halos 13 kilo ng marijuana na nagkakahalaga ng P1.5 million.
Nakasuhan na ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek habang ang dalawang menor de edad ay nasa kustodiya ng mga otoridad.