KALIBO, Aklan — Sinalanta ng nangyaring grass fire ang limang ektaryang bukirin sa Barangay Dumatad, Tangalan, Aklan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni SFO2 Teodosio Del Rosario ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Tangalan na umabot ng mahigit sa apat na oras bago naapula ang apoy na tumupok sa mga talahib, pine tree, mangga at iba pang puno sa lugar.
Kinailangan pa nga raw nila ang tulong ng BFP Kalibo at Ibajay upang hindi madamay ang ilang kabahayan sa paanan ng bundok.
Samantala, nahimatay pa raw siya habang nakikipagbuno sa sunog dahil sa tindi ng sikat ng araw at paglagablab ng apoy.
Sa ngayon hindi pa umano matukoy ang kabuuang halaga ng pinsala na iniwan ng naturang insidente.
Sa kabilang dako, nagpaalala naman ang opisyal sa mga mamamayan na maging maingat lalo ngayong Marso na tinaguriang fire prevention month.