Kinumpirma ng Defense department na nasa limang equipment lamang ang makukuha ng Pilipinas sa ibinigay na P120 million grant ng China.
Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na sa nasabing halaga namili lamang sila ng mga kagamitan na kasya sa ibinigay na halaga ng China.
Makukuha ng Pilipinas ang nasabing limang kagamitan ng libre.
Kabilang sa mga gamit na ito ay fast boats at small boats na pwedeng gamitin sa paghabol sa mga bandido at rebeldeng grupo.
Kasama rin sa listahan ang drones na maaaring gamitin ng tactical units.
Kailangan din aniya ng mga tropa ang bomb disposal device na remote control.
Unmanned vehicle aniya ito na pwedeng lumapit at kumuha sa isang bomba saka nito pasasabugin, isang modernong paraan para hindi na mismong tao o sundalo kukuha sa pag-dispose sa bomba.
Maliban dito ay kukuha rin ang Pilipinas ng sniper rifles na naibabaling ang direksyon para hindi direktang nakikita ng kalaban ang sundalo.
Ayon kay Lorenzana, naisumite na nila sa China ang listahan ng mga gamit na ito para maisaayos na at mai-deliver dito sa lalong madaling panahon.