Limang estudyante mula sa Ilocos Norte, tinanghal na kampeon sa World International Mathematical Olympiad sa Malaysia
LAOAG CITY – Nagagalak na ipinaalam ni Mr. Michael Malvar, isa sa mga coach ng Mathletes sa Sarrat National High School na sila ang itinanghal na World Champion sa ginanap na World International Mathematical Olympiad sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ayon kay Malvar, 12 bansa kasama ang Pilipinas ang naglaban-laban sa nasabing patimpalak kung saan umabot sa 40 libong mga estudyante ang nakilahok.
Sinabi niya na ang mga limang estudyante na nakilaban sa World International Mathematical Olympiad ay sina Brian Jansen Vallejo, Allen Iver Barogga at Zyrene Agelica Dulluog na nakakuha ng gold award habang sina Natalie Margarett Balsilican at Ma. Cassandra Reich Duque na nakapag-uwi ng silver award.
Aniya, mahigpit nilang pinaghandaan ang nasabing kompetisyon upang makakuha ng pwesto at maging kampeon sa international event.
Samantala, ayon sa Grade 8 student na si Brian Jansen Vallejo, na gold medalist at World Champion sa World International Mathematical Olympiad na tuwang-tuwa sila dahil ito ang pinakamataas na parangal na kanilang natanggap.
Sa ngayon, pinaghahandaan na naman nila ang susunod nilang laban para sa final round na gaganapin sa Guandong, Macao.