Naaresto ang limang foreign nationals na nagtangkang pumasok sa Pilipinas nang walang akmang immigration clearance.
Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard Southwestern Mindanao, kinabibilangan ito ng apat na Indian national at isang Malaysian national.
Tinangka umano ng limang dayuhan na pumasok sa bansa gamit ang karagatang sakop ng Mindanao kung saan nanggaling ang mga ito sa Malaysia at naglayag papuntang Bongao, Tawi-Tawi gamit ang speed boat.
Pagdating sa lugar ay lumipat ang mga ito sa isang commercial passenger cargo vessel na may pangalang M/V TRISHA KERSTIN 2 papuntang Zamboanga City.
Noong nasa Zamboanga City na ang mga ito ay dito na sila natunton ng mga nagbabantay na miyembro ng PCG kasama ang PNP Maritime Group, at Bureau of Immigration.
Batay sa report ng BI, ang apat na Indian nationals ay una nang na-blacklist sa bansa. Isa sa kanila ay noong 2004, isa ay noong 2016, ang isa ay noong May 2024, habang ang panghuli ay ngayon lamang June 2024.
Patuloy pa ring inaalam ang record ng nahuling Malaysian national.
Agad namang ikinostodiya ang limang dayuhan at haharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Commonwealth Act No. 613 (Philippine Immigration Law).