-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Umakyat na sa 14 ang kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa Region II matapos makapagtala ng tatlong panibagong kaso na pawang mga frontliner.

Ayon kay Dr. Leticia Cabrera ng DOH-Region 2, nagpositibo sina PH1180, 36-anyos na babae, at PH1182, 30-anyos na lalaki, kapwa health workers ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC); at si PH1261, 27-anyos na lalaki, nurse ng R2TMC sa Nueva Vizcaya.

Kaugnay nito, umabot na sa limang frontliners ang nagpositibo sa COVID-19 kung saan apat ay mula sa CVMC na nahawaan ni PH275 na kauna-unahang nagpositibo sa rehiyon.

Ayon kay Dr. Cherr Lou Antonio ng CVMC, nasa maayos namang kalagayan ang mga pasyente.

Istrikto aniyang naka-home quarantine si PH1180 at mag-isa lamang siya sa tinitirhang bahay, habang nasa CVMC si PH1182, at naka-admit naman sa Region 2 Trauma and Medical Center sa Nueva Vizcaya si PH1261.

Sa ngayon, nasa 250 ang “person under investigation” sa RO2 kung saan 141 na ang nag-negatibo habang 47,083 naman ang “person under monitoring.”