-- Advertisements --

Kinumpirma ngayon ni Senior Jail Officer 1 Christopher Sarsuelo ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP na 5 high risk inmates kabilang ang tatlong nahaharap sa panggagahasa, pagpatay, at illegal possession of firearms ang nakatakas kaninang pasado alas 5:30 ng umaga sa Manjuyod District Jail sa Isla ng Negros.

Kinilala ang mga nakatakas na sina Janly Callao, 39 anyos, Julan Paculanang, 30 anyos; at Lito Pedro, 49, na nakakulong dahil sa panggagahasa; Si Ronnie Flores, 25, ay inakusahan dahil sa iligal na pag-aari ng mga baril; at si Joseph Casido, 24, ay inakusahan ng pagpatay.

Ayon pa sa mga otoridad, natuklasan na lang nila kaninang umaga na wasak na ang pader malapit sa kisame ng cell number 2. Nang magsagawa ng head count sa mga bilanggo, nagkulang na ng lima.

Sa ngayon, dalawang tracker teams ang binuo ni Police Colonel Julian Entoma, director ng Negros Oriental Police Office (NOPPO) upang maibalik at mahuli ang limang nakatakas.