Patay ang 5 hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa sunod sunod na engkuwentro sa Negros Occidental nitong Linggo.
Tinatayang 14 miyembro ng NPA ang unang nakasagupa ng mga sundalo ng 62nd Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army bandang alas-5:05 ng madaling araw sa Sitio Napiluan, Barangay Quintin Remo sa bayan ng Moises Padilla.
Tumagal nang 10 minuto ang palitan ng putok bago hiwa-hiwalay na tumakas ang mga armadong grupo.
Alas-5:40 naman ng madaling araw, nakaengkuwentro ulit ng isang platoon ang 6 na hinihinalang rebelde na tumatakas sa may Sitio Oway-Oway sa parehong barangay.
Naiulat naman na limang hinihinalang NPA members, kabilang ang isang babae, ang nasawi sa engkuwentro habang wala namang naiulat na sugatan sa mga sundalo.
Nakumpiska sa lugar ang mga baril, granada, bala, flag ng NPA, at mga personal na gamit at pagkain.
Ang mga bangkay naman ng mga nasawi ay kinuha na ng municipal disaster office ng Moises Padilla para mai-turn over sa Philippine National Police.
Samantala, wala pang nakakaalam ng pagkakakilanlan ng mga nasawi, ayon sa 62nd IB.