CENTRAL MINDANAO-Patay ang limang holdaper at isa ang nakatakas nang makipagbarilan sa mga otoridad sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang isa sa mga nasawi na si Miharis Manonggal,apat ang hindi pa tukoy ang pagkakilanlan at isa ang nakatakas.
Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Jibin Bongcayao na kumain pa ang mga suspek sa Hanans Eat All Can Eatery sa Barangay Kauran Ampatuan Maguindanao.
Matapos kumain ng anim imbes magbayad ay nagdeklara ito ng hold-up kung saan kinulimbat nila ang tatlompung libong pesong pera sa may-ari.
Agad tumakas ang mga suspek sakay ng multicab mini van kulay puti patungo sa direksyon ng Datu Abdullah Sangki Maguindanao.
Mabilis na nagsumbong ang may-ari ng kainan sa mga pulis kaya inalerto nito ang mga Cafgu,Army at PNP Checkpoint sa national Highway.
Namataan ang mga suspek na papadaan sa Army at Cafgu checkpoint sa Sitio Midpalao Barangay Kauran Ampatuan Maguindanao.
Hindi tumigil sa checkpoint ang mga suspek at pinaputukan ang tropa ng gobyerno kaya nagkapalitan ng bala sa magkabilang panig.
Patay ang lima sa mga suspek at isa ang nakatakas na tumakbo sa sakahan ng mais.
Narekober ng mga pulis,sundalo at Cafgu sa posisyon ng mga nasawi ang dalawang kalibre.45 na pistola,mga bala nga Caliber.45 pistol at mga magasin,mini van,4 cellphone,Ipod, mga bala ng M14 at M16 Armalite rifles.
Sa ngayon ay patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad ang isa sa mga suspek na nakatakas.