-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ng mga otoridad ang limang indibiduwal matapos mahuling nagsasagawa ng ilegal na pagsasabong sa Sitio Lubia, Brgy. Basag, sa bayan ng T’boli, South Cotabato.

Una rito, isa sa mga barangay ng nasabing bayan ang pinakaunang nakapagtala ng positibong kaso sa COVID 19 sa South Cotabato at kakarekober lamang kamakailan.

Ayon kay, PLt. Renjun Bagaman, public information officer ng South Cotabato Police Provincial Office, mahigpit na ipinagbabawal ang anumang pagtitipon-tipon sa ngayon sa buong probinsya para maiwasan ang pagkalat ng virus.

Samantala, arestado naman ang isang barangay official at nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang menor de edad na nahuli na naglalaro sa bilyaran sa gitna na ipinatupad na Enhanced Community Quarantine sa bayan ng Tupi, South Cotabato.

Kinilala ang opisyal na si Roman Balmores, isang barangay kagawad, at ang nasabing menor edad ay kinilala naman bilang si alyas “Warren” at parehong residente ng Barangay Kablon, sa nasabing bayan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PMaj. Verlin Pampolina, hepe ng Tupi PNP, mismong pagmamay-ari ng opisyal ang nasabing bilyaran at ilan sa mga naroon ay nakatakbo papalayo ng makitang paparating ang mga ito.

Sa ngayon, mahaharap sa kasong disobedience to persons on authority ng Article 151 ng Revised Penal Code ang nasabing opisyal at iba pang nahuli.