Kasabay ng apat na medalyang sigurado nang matatanggap ng Team Philippines sa Paris Olympics, nananatiling malaking katanungan kung magagawa ng mga atleta na malagpasan ang medal haul noong Tokyo Olympics.
Maalalang apat na medalya rin ang naiuwi ng Pilipinas sa Tokyo Games habang sa kasalukuyan ay tatlong medalya na ang hawak ng bansa habang sigurado na rin ang isa pang bronze medal sa pamamagitan ni Nesthy Petecio.
Sa ngayon, nakasalalay ang resulta nito sa kamay ng limang natitirang atleta ng Pilipinas na hindi pa sumasabak sa laban: Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina sa golf, John Ceniza at Elreen Ando sa weightlifting, at ang bagitong si Vanessa Sarno(20 y/o) na sasabak din sa unang pagkakataon sa Olympics weightlifting.
Ang mga naturang atleta ay hindi pa sumasabak sa kanilang laban mula nang magsimula ang Paris Games.
Ngayong araw(Aug 7), nakatakda ang laban ng dalawang Pinay golfer sa oras na alas-4 ng hapon, Philippine time.
Mamayang alas-9 ng gabi, sasabak naman si John Ceniza sa men’s 61 kgs weightlifting.
Bukas(Aug 8), sasabak naman ang Cebuanong si Elreen Ando sa women’s 59 kgs habang ang 20 anyos na si Sarno ay maghihintay pa hanggang August 9 para sa kanyang laban(1:30AM, oras sa Pilipinas).