BAGUIO CITY – Matagumpay na narekober ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang limang improvised explosive device (IEDs) sa Bagnen, Bauko, Mt. Province.
Ayon kay B/Gen. Alden Juan Masagca, acting commander ng 5th Infantry Division (ID) ng Philippine Army, narekober ng Regional Mobile Battalion ng Cordillera-Philippine National Police 15 at 53rd Division Reconnaissance Company ng 5th ID, ang mga nasabing IEDs habang nagsasagawa sila ng pursuit operation laban sa mga papatakas na bandidong grupo na nakasagupa nila sa Mount Kapuwao sa nasabing lugar noong March 29, 2019.
Aniya, ang paglalagay ng mga teroristang grupo ng mga IED sa daan ay taktika nila upang maantala ang ipursuit operations na inilulunsad ng mga militar at pulis.
Sinabi niya na sa ngayon ay nasa pag-iingat ng militar ang mga narekober na IEDs para sa kaukulang disposisyon.
Dinagdag pa ni Masagca na patuloy at paiigtingin pa ng tropa ng pamahalaan ang kanilang pagtugis sa mga teroristang grupo lalo na sa mga lugar kung saan madalas ang presensya ng mga ito para matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan lalo’t papalapit na ang halalan.
Una nang kinondina ng pamahalaan at ng tropa nito ang paggamit ng New People’s Army (NPA) ng mga IED at landmines na ipinagbabawal ng international humanitarian law at ng Geneva Conventions.
Nabatid na nangyari ang sunud-sunod na engkuwentro sa Montañosa sa pagitan ng pamahalaan at mga terorista na ikinasawi ng dalawang pulis at ikinasugat ng aabot sa 10 kasamahan ng mga ito habang pinaniniwalaang marami ring casualties sa hanay ng NPA.