BACOLOD CITY – Patuloy ang manhunt operation ng mga kasapi ng Bureau of Jail Management and Penology at Philippine National sa limang bilanggo na nakatakas sa Negros Occidental District Jail sa Barangay Tabunan, Bago City, kaninang madaling-araw.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, tinatayang hatinggabi hanggang alas-2:00 ng madaling-araw nangyari ang pagpuga at nadiskubre na lamang ng mga jailguard nang isinagawa ang “accounting.”
Pinutol pala ng mga pugante ang bakal sa selda at umakyat sa pader sa pamamagitan ng mga kumot na kanilang itinali.
Kabilang sa mga tumakas ay isang Francisco Epogon, 30-anyos na residente ng Sitio Manluy-a, Barangay San Jose, Sipalay City, Negros Occidental, na nahaharap sa kasong robbery with violence against or intimidation of persons.
Si Epogon ay nahuli sa Barangay Isio, Cauayan, Negros Occidental noong June 21, 2020 matapos silbihan ng warrant of arrest kung saan nakuhaan pa ito ng hand grenade sa kanyang backpack.
Siya ay sinasabing lider ng Epogon robbery group na nanloloob sa mga bahay sa Negros Occidental pati na rin sa Lungsod ng Bacolod.
Kasama ni Epogon sa pagtakas sina Marvin Celeste ng Sitio Tima, Barangay Gawahon, Victorias City na may kasong paglabag sa Republic Act (RA) 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions Regulation; at Alejandro Montoya ng Barangay Tisol, Victorias City na may kasong carnapping, robbery, violation ng RA 10591, attempted homicide at acts of lasciviousness.
Sumama rin sa tatlo ang mga nagngangalang Daniel Tamon ng Barangay Kumaliskis, Salvador Benedicto na nahaharap sa kasong murder; at Danilo Celeste ng Barangay Timawa, Victorias City na nakulong sa kasong carnapping, robbery at attempted homicide.