(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Kakaharapin ng lima sa anim na personalidad ang kasong robbery na tinukoy ng pulisya na umano’y mga responsable sa nangyaring panloloob sa dalawang pawnshops at paglimas ng cash-in money ng isang bank ATM na nagsilbing tenants sa Gaisano Capital Mall ng Ozamiz City,Misamis Occidental.
Resulta ito sa madalian na pag-lockdown ng pulisya sa buong Ozamiz City matapos madiskobre ang pagkaransak ng dalawang jeweltry pawnshops at pagsira ng ATM kung saan natangay ang tinatayang nasa 80 milyong halaga ng mga alahas at cash money.
Sinabi ni Ozamiz City Police Station commander Police Major Dennis Tano na dahil sa bilis mag-aksyon ng barangay officials ay agad natunton ang lokasyon ng mga pinaghinalaang mga salarin kaya naka-kustodiya sa kanilang himpilan.
Salaysay pa ni Tano na ilan sa mga alahas ay narekober pa nila sa mga salarin na kinompirma naman umano ng pawnshop owners.
Dagdag ng opisyal na local based organized group ang mga salarin kung saan ang ilan ay mga residente mismo sa Misamis Occidental.
Magugunitang dumaan sa drainage ang tatlo sa mga salarin at binutas ang flooring ng mall food court hanggang sa tuluyang napasok ang pawnshops at nilimas ang klase-klaseng mga alahas na pinaniwalaang nangyari sa kasagsagan na abala ang lahat dahil sa pagsalubong ng bagong taon.