-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Umaapela ang Social Security System (SSS) sa mga employers na may utang at sa mga hindi pa nagparehistro ng negosyo sa nasabing state-run social insurance program na magpasailalim ang sa Contribution Penalty Condonation Program.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay SSS Luzon North 1 Division Public Information Officer Christian Andrew Rillorta, sa pamamagitan nito ay hindi sila mapapatawan ng kaukulang multa.

Aniya, aabot sa 5,002 na mga employers sa nasasakupan ng kanilang division ang delinquents.

Sakop ng SSS Luzon North 1 Division ang Ilocos Sur, Ilocos Norte, La Union, Benguet, Abra at Bontoc, Mt. Province.

Sinabi ni Rillorta na kailangang sumailalim ng mga employers sa Contribution Penalty Condonation Program ng SSS para walang magiging problema sa contribution ng kanilang mga empleyado sa state-run social insurance program.

Nabuo ang Contribution Penalty Condonation Program ng SSS para paalalahanan ang mga employers sa hindi nila pagliban sa pagbayad sa contribution ng kanilang mga empleyado dahil ito ay legal nilang obligasyon.

Ipinapaalala pa ni Rillorta na hanggang sa September 1 na lamang ang pagtanggap nila ng aplikasyon sa nasabing programa.