-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nailigtas ng mga otoridad ang limang kababaihan kabilang ang apat na menor de edad at 19-anyos na dalaga, matapos ang matagumpay na entrapment operation sa Brgy. Central, Casiguran, Sorsogon.

Nag-ugat ang operasyon sa sumbong ng isang concerned citizen na may ilang menor de edad umanong iniaalok sa Monjen Videoke Bar para sa “extra service.”

Ayon kay P/Cpt. John Flofer Galono, hepe ng Casiguran Municipal Police Station sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, agad na nagberipika ang Provincial Intelligence Branch ng Sorsogon katuwang ang naturang himpilan ng pulis at Provincial Social Welfare and Development Office.

Isang pulis ang nagpanggap na customer at nakipagtransaksyon sa videoke waitress na si Jane Delos Reyes, 41, na maglalabas ng babae sa halagang P2,000.

Tuluyang hinuli ang naturang waitress maging ang may-ari ng bar na si Jenine Juadines, 42, nang magkaabutan na ng pera.

Samantala, nasa pangangalaga na ngayon ng PSWDO ang mga menor de edad at isasailalim sa counselling bago iuwi sa kani-kaniyang pamilya.

Inihahanda na rin ang mga dokumento para sa inquest proceeding ng mga suspek upang pormal nang masampahan ng kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 o Republic Act 9208.