-- Advertisements --

Naitala ng Commission on Elections (COMELEC) ang nasa limang kandidato sa pagka-senador na laging lumalabag pagdating sa pagpapaskil ng mga campaign materials sa katatapos lamang na “Operation Baklas”. Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia, ang limang kandidato na mga ito ay consistent na nakikita sa iba’t ibang rehiyon.

Bagaman hindi pinangalanan ni COMELEC Chairman Garcia ang limang kandidato na mga ito, sinabi niya na ang mga kanilang nilabag ay ang maling sukat ng mga poster at pagpapaskil sa mga hindi common poster areas. Dagdag pa niya na papadalhan na nila ito ng mga notice para ipaalam na may tatlong araw sila upang tanggalin na ang mga ilegal na campaign materials. Aniya, hindi na nila kailangang sagutin ang notice, basta ay tanggalin lamang ang mga illegally posted na campaign materials. At kung hindi naman sumunod ang kandidato rito, papadalhan ito ng show-cause order para pagpaliwanagin.

Matatandaan na sa pagsisimula ng campaign period ay umarangkada na rin ang “Operation Baklas” ng poll body para tanggalin ang mga illegality posted na mga campaign materials.

Para kay COMELEC Chairman Garcia, mapayapa at maayos pa ang pagsisimula ng campaign period para sa mga kandidato sa pagka-senador at mga party-list. Naniniwala siya na mag-iiba pa ito pagpasok naman ng panahon ng pangangampanya para sa lokal na lebel na magsisimula sa Marso 28 kaya naman patuloy pa rin ang kanilang pagmo-monitor.