LA UNION – Hinuli ng mga pulis ang limang kalalakihan sa Brgy. Ortiz, Naguilian, La Union kahapon matapos maaktuhan ang mga ito na nag-iinuman sa pampublikong lugar.
Maliban sa ipinagbabawal ang pag-inom ng alak sa pampublikong lugar, alinsunod sa Municipal Ordinance Nr. 209, nilabag din ang ipinapatupad na guidelines para maiwasan ang COVID 19 disease, partikular ang social distancing at pagsusuot ng facemask.
Una rito, nakatanggap ng impormasyon ang mga otoridad, na may grupo ng mga kalalakihan na nag-iinuman sa nasabing lugar.
Sinabi naman sa Bombo Radyo La Union ni PMaj Judy Calica, hepe ng Naguilian Police Station, na isa umano sa mga suspek ang nag-imbita na pumunta sa kanyang bahay para ipagdiwang ang kanyang kapanganakan.
Agad dinala ang mga suspek sa himpilan ng pulisiya ngunit pinakawalan din matapos magbayad ng tig P1,000 na multa.