BAGUIO CITY – Nagpapatuloy pa rin ang search and rescue operations sa Nabitu, Viewpoint, Banaue, Ifugao kung saan tinabunan ng malaking pagguho ng lupa ang isang 2-storey na bahay na may lamang 12 katao at isang payloader.
Ayon kay PSSg. Ryan Buclog ng Banaue Municipal Police Station, natagpuan na ang anim sa mga missing bagaman lima sa mga ito ang bangkay na.
Kinilala niya ang mga nasawing sina Joel Chur-ig; Lance Bruce Gayagay Guinyang, 3-anyos; Dante Boqueng; Johnny Cabigat Duccog at Jose Piog, 71-anyos.
Inilipat naman sa isang pagamutan sa Nueva Vizcaya ang survivor na si James Harold Guinyang na ama ng nasawing bata.
Batay sa report, nililinisan ng payloader ang kalsada mula sa gumuhong lupa nang biglang gumuho muli kung saan natangay ang payloader at ang nasabing bahay na pag-aari ni Bresler Tucdaan pababa sa bangin na may lalim na tinatayang 100 metro.
Sa salaysay ng survivor, kasalukuyan silang nagkakape nang mangyari ang insidente.
Napag-alaman na ng mangyari ang pagguho ay nasa loob ng bahay si Tucdaan at ang anak nito at ang mga nakisilong lamang sa kanila na dalawang engineer at apat na maintenance crew ng DPWH-Ifugao Second District Engineering Office, operator ng payloader at ang survivor kasama ang anak at kapatid nito dahil sa lakas ng ulan.
Tutungo sana ang mag-amang Tucdaan sa Banaue ngunit na-stranded sila sa kanilang bahay dahil sa pagguho ng lupa sa magkabilang panig ng bahay habang mag-iinspeksion sana at magsasagawa ng rescue operations ang mga empleyado ng DPWH-Ifugao.