Kumitil ng 5 buhay ang sumiklab na sunog sa residential area sa Barangay San Roque sa lungsod ng Navotas nitong umaga ng Sabado, Disyembre 14.
Natukoy na ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga biktima ng trahediya kung saan karamihan dito o nasa 4 ay menor de edad.
Lahat ng 5 biktima ay isinugod pa sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival dahil sa pagkalanghap ng mga ito ng usok mula sa sunog.
Una rito, sumiklab ang sunog sa may Governor Pascul Street dakong alas-7:14 ng umaga at tuluyang naapula bandang alas-7:53 ng umaga.
Sa ngayon, iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang dahilan ng sunog.
Subalit sa ibinahaging post ni Navotas city Vice Mayor Tito Sanchez, nag-ugat umano ang sunog sa isang clip fan. Nagpaalala naman ito sa mga Navoteño na maging mapagmatyag at maingat. Ugaliing suriin ang mga kagamitan sa tahanan upang matiyak ang kaligtasan ng pamilya at ng komunidad.
Samantala, bilang tulong sa mga apektadong pamilya dahil sa trahediya, sinimulan na ng Navotas City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang pakikipanayam sa mga apektadong pamilya para matukoy ang tulong na kanilang kakailanganin.
Tinanggap naman ng lahat ng pamilya ng mga biktima ang libreng cremation at burial services na inialok ng lokal na pamahalaan.