Patay ang nasa 5 katao sa Aborlan, Palawan dahil sa nararanasang malawakang pagbaha mula sa mga pag-ulan dala ng shear line.
Ayon sa mga lokal na awtoridad, narekober ang katawan ng 5 nasawi matapos matangay ng baha sa Aborlan noong gabi ng Linggo, Pebrero 9. Nasagip naman ang isang bata mula sa insidente.
Sa ngayon, ayon sa city government, lubog sa baha ang nasa 24 na barangay na nakaapekto sa mahigit 3,000 residente at sa kabuhayan ng mga magsasaka at nakapinsala sa ekta-ektaryang sakahan.
Idineklara na rin ang state of calamity sa Puerto Princesa city, Palawan dahil sa malawakang pagbaha.
Samantala, inalis naman na ang suspensiyon ng klase at pasok sa trabaho ngayong araw ng Miyerkules sa Aborlan, Palawan. Ibinase ang desisyon sa latest advisory mula sa state weather bureau kung saan ibinaba na ang rainfall warning level.
Subalit sa isang statement, sinabi ng lokal na pamahalaan na nasa discretion pa rin ng School Heads/Administrators/Heads of Agencies kung papalawigin pa nila ang class o work suspension base sa kanilang assessment sa sitwasyon sa kanilang nasasakupan.
Ipagpapatuloy naman ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang pag-monitor sa sitwasyon at pagbibigay ng updates. Sakali man aniya na magbago ang lagay ng panahon na maaaring magdulot ng panganib sa kaligtasan ng publiko, tiniyak ng LGU ang pag-isyu ng kaukulang advisories.