-- Advertisements --

NEW DELHI – Natagpuan ng isang search team sa Indian Himalayas ang limang mga bangkay kung saan pinaniniwalaang nawala ang walong mga climbers noong nakaraang linggo.

Ayon kay Pithoragarh District Magistrate Vijay Kumar Jogdande, nakita raw ang mga katawan na bahagyang nakabaon sa isang avalanche sa peak na nasa magkakaibang lokasyon.

Natukoy ang mga katawan kasunod ng isinagawang analysis sa mga larawang kuha mula sa isang helicopter na nagsagawa ng air survey sa nasabing lugar.

Lunes ng hapon (local time) nang ihinto umano ang search operasyon para sa naturang araw.

Kasalukuyan na rin aniyang gumagawa ng plano ang mga otoridad sa pagrekober ng naturang mga katawan.

Nitong araw ng Linggo nang makakita ng senyales ang mga helicopter teams na nagkaroon ng avalanche sa peak kung saan hinihinalang namalagi ang grupo.

Ang nawawalang mga trekkers, apat na Briton, dalawang Amerikano, isang Australian kasama ang kanilang Indian liaison officer, ay nawala sa bahagi ng Nanda Devi East, na isa sa mga pinakamataas na bundok sa India. (CNN)